Nagkaroon ba talaga ng Senate coup? Nagbibiruan lang pala ang mga senador nang umakyat sa podium si Senador Loren Legarda — at cosplay lang pala iyon nang tawagin siya ni Senador Migs Zubiri na “Madam President,” at ipinukpok niya ang gavel. Ang mensahe: “We’re cool, we’re not threatened.”
Pero, ayon sa sources ng Rappler, may coup naman talagang naganap, pero ilang oras lang — at, sa bandang huli, nagwagi ang transactional politics.
Habang naiintriga tayo sa horse-trading at backroom talks, let’s pull out at tingnan ang big picture.
Nangyari ang coup sa panahong may umikot na draft ng Senate blue ribbon committee report on flood control corruption.
Parang kidlat ‘yan na tatama sa Minority dahil inirerekomenda ng blue ribbon ang paghahabla kina Chiz Escudero, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada dahil sa pagkakakasangkot sa korupsiyon sa mga proyekto.
Ayon sa sources ng Rappler, tatlong senador lang ang pumirma sa draft resolution “with reservation” at dapat ay magkakaroon ng “interpellation and amendments later.”
Itong minority, niligawan si Legarda at ang carrot ay ang Senate presidency. Bakit si Loren? Dahil ba ambisyosa siya? O meron siyang layong protektahan, lalo na’t kaliwa’t kanan ang batikos sa anak niyang naging oportunista daw sa power sector? Who knows? (BASAHIN: The solar tale: Jurisprudence slays Leviste’s thinly veiled tact | From an investment historic first to hocus-pocus: The Leviste SPNEC story)
Kung maagaw ng minority ang Senate presidency, maibabalik din sa kontrol nila ang makapangyarihang blue ribbon. Matatandaang dati itong kaharian ni Senador Rodante Marcoleta, na nagrekomendang ilagay sa witness protection ang mga Discaya. (BASAHIN: Lacson to Marcoleta: Why are you protective of the Discayas?)
Ito ‘yung panahong si Chiz Escudero pa ang presidente ng Senado. In those days, mga fashion bloggers lang ang may pakialam na mayroong million-dollar ring sa daliri ng asawa ni Escudero, at inggit, hindi poot, ang reaksiyon ng mga tao. (BASAHIN: Chiz Escudero, Heart Evangelista: Extravagance as love language)
Hindi namin alam paano nila didiskartehan ‘yan kung naagaw nga nila ang Senate presidency, lalo na’t may draft report na si Ping Lacson, ang kasalukuyang chairman ng komite. Siguro, sa loob-loob ng Minority, bahala na si Batman, basta natungkab na nila sa poder si Senador Tito Sotto at Lacson, at ninanamnam na nila ang matamis na tagumpay.
Which brings us back to our question: Saan pumapasok ang interest nating taumbayan?
Di ba ang pagpo-project ng mga senador, galit silang lahat sa korupsiyon? Bakit hindi nila ipamukha sa buong mundo na hindi nila palalampasin ang korap, kahit na kapwa senador pa ‘yan?
Pero natabunan na ng Senate coup ang dapat ay tinatrabaho ng Senado ngayon, lalo na sa gitna ng masidhing public clamor para sa katarungan sa harap ng flood control mess.
Ang Senado dapat ang institusyong nagtatrabaho upang makamit ang hustisya, good governance, at rule of law. Pero na-overshadow ng pulitika ang core duty na ito.
At mas nakasusuka na ang Minority ang nangunguna sa pag-undermine ng trabahong ito. Talaga bang vested interest ‘nyo lang ang mahalaga sa inyo, mga ginang at ginoo?
Read the writing on the wall: Tinatamaan na ang ekonomiya. Nito lang nakaraang linggo, lumabas ang datos na hindi bumaba ang unemployment sa bansa kahit na karaniwang naghahatid ang Disyembre ng magandang numero para sa ekonomiya.
Ito’y dahil na-cancel out ng historic low sa public infrastructure ang mga ganansiya noong Pasko sa service sector. In other words, ang mga trabahador sa konstruksyon pati na ang nasa transport and storage, nakatitig sa kawalan dahil wala silang trabaho.
Mismong Bangko Sentral ng Pilipinas ang nagsasabi na mayroong “weakening outlook” at “declining business sentiment” dahil sa flood control corruption scandal.
Maraming naiinip sa mabagal na usad ng mga imbestigasyon. Kakaunti pa lang ang nasasampahan ng kaso.
Mga minamahal na senador, gintong pagkakataon ito para patunayang talagang kagalang-galang kayo — at hindi ‘nyo pagtatakpan ang pangungurakot ng mga kapwa ‘nyo senador. Kaya’t tigilan na ang tribo-tribo.
Ilabas na ang report na ‘yan, at dapat pumirma ang mayorya. Sa bandang huli, dapat ang lumitaw: walang kunsintidor sa Senado. – Rappler.com


